Six forty-nine of the fourth of twelve; Sisisihin kita

Sisisihin kita.

Sisisihin kita sa mga biglaang ngiti, kapag naaalala ang mga binubulong mo sa tenga, o ang pag higpit ng yakap mo kapag tayo’y kailangan na maghiwalay.

Sa mga tawang di mapigilan dala ng mga paalala mong halik na madalas lumalagpas sa isang minuto, o pasimpleng amoy sa buhok o balikat, sisisihin kita.

Siguro hindi ko na kayang hindi ka isipin, o naising makita. Naging parte ka na ng mga oras na kailangan ko ng pahinga, o kahit man lang kaonting saya sa mga nakakadismayang araw.

Hindi ko din sigurado kung sadya ba lahat ng pagparamdam mo na iba lahat ng kung anong meron sa ating dalawa, siguro, bahagyang sinisisi din kita, pero mas naka patong ito sa akin talaga.

Sisisihin kita sa mga pag siksik ng saya sa mga mata’t mga labi ko na madalas pinapansin ng iba ngunit di ko mapaliwanag sa kanila. Sa mga ngiting hindi napipigilan at nahuhuli’t pinagtatakahan ng mga kaibigan ko’t kilala.

Sisisihin kita, pero hindi sa parteng nandito tayo sa sitwasyon natin ngayon.

Sisisihin kita na nagkagusto ako sa’yo, pero hindi sa parteng kailangan natin mag tago sa lahat.

Hindi sa parteng pumayag akong mapasayo, kahit panandalian.

Hindi sa parteng kusang loob akong maging sa’yo, kahit minsan lang.

Dahil una pa lang ay sinisi ko na sa sarili kong hindi ko pinigilan ang sarili ko, kahit alam kong hindi tama

Una pa lang, sinisi ko na sa sarili ko na piniling manatili sa mga nakaw na oras o maging pansamantala,

o maging pang ‘pag pwede lang’.